PALACE Press Officer, nagreklamo sa NBI laban sa isang Facebook page dahil sa isang post na umano'y nagbabanta sa kanyang buhay. Larawan mula sa livestream ng Presidential Communications Office.
DYARYO TIRADA

Claire Castro, nakatanggap umano ng death threat

Amelia Clarissa de Luna Monasterial

Nagreklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) si Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro noong Martes, ika-13 ng Enero 2026, matapos umano siyang makatanggap ng isang post sa Facebook na maaari umanong ituring na death threat laban sa kanya.

Ayon kay Castro, ang reklamo ay laban sa Facebook page na may pangalang “Luminous by Trixie Cruz-Angeles and Ahmed Paglinawan.” Sa naturang post, may bahagi na nagsasabing: “Sana rin, sa bagong taong ito, maintindihan mo na oras na nilaglag ka ng humans mo, appendix at coxyx mo lang ang walang latay, resulta ng mga pinaggagawa mo.”

Binatikos din sa parehong post si Castro dahil sa umano’y pagsisilbi niya sa interes ng administrasyong Marcos Jr.

Nilinaw ni Castro na sa ngayon, para sa dokumentasyon pa lamang ang kanyang paglapit sa NBI. “Kailangan ko kasing i-report ito para at least nga kung may mangyari man sa akin, may mga taong puwedeng maimbestigahan,” pahayag niya. Aniya, pinag-iisipan pa niya kung magsasampa siya ng pormal na kaso.

Ibinahagi rin ni Castro na personal niyang kilala si Trixie Cruz-Angeles, ngunit hindi umano niya kilala si Ahmed Paglinawan.

Binigyang-diin din ni Castro na bagamat mahalaga ang kalayaan sa pagpapahayag, hindi ito dapat ginagamit upang magbanta o ilagay sa panganib ang buhay ng ibang tao.