Arestado ng Manila Police District (MPD) noong Lunes, 12 Enero 2026 ang isang 20-anyos na lalaki na itinuturing na district-level most wanted dahil sa kasong murder, sa Rizal Avenue kanto ng Malabon Street, Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ang suspek bilang residente ng Caloocan City at isang senior high school graduate. Ayon kay Police Lieutenant Colonel Robert B. Sales, officer in charge ng District Intelligence Division ng MPD, bandang 6:15 p.m. nadakip ang suspek matapos ang isang manhunt operation na isinagawa ng intelligence operatives ng Tracker Team.
Dinala ang akusado sa harap ni Manila Mayor Isko Moreno Domagosa, kasama ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) para sa kasong murder. Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek dahil sa bigat ng krimeng kinakaharap nito.