Pitong kawatan ang nahuli kagad ng kapulisan pagkatapos magnakaw sa isang grocery store sa Barangay Dampulan ng bayan ng Jaen, Nueva Ecija nitong lunes. PRO3
DYARYO TIRADA

Pitong kawatan huli kagad pagkatapos magnakaw sa isang grocery sa Nueva Ecija

Jonas Reyes

Pitong kawatan ang nahuli kagad ng kapulisan pagkatapos magnakaw sa isang grocery store sa Barangay Dampulan ng bayan ng Jaen, Nueva Ecija nitong 12 Enero 2026.

Ayon kay Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director Police Brig. Gen. Rogelio Peñones, nagnakaw ang mga nasabing kawatan sa isang Alfamart sa nasabing lugar nitong Lunes.

Dagdag aniya na ang Jaen Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit at ang Quezon City Police District ay nagsagawa ng hot pursuit laban sa nasabing mga suspek na umabot pa mula Nueva Ecija hanggang sa Novaliches, Quezon City kung saan sila nagtago.

Ani Peñones, sumakay ang mga kawatan sa isang L300 van type na puti na ginamit nilang getaway vehicle pagkatapos masamsam ang nasabing grocery store. Nakuha ng mga suspek mula sa isang vault ay perang nagkakahalaga ng P82,600.

Kasama sa mga nakuha ay iba’t ibang grocery items na may halagang P12,000, at EC Pay Kiosk.

Nag-issue kagad ng flash alarm ang kapulisan at nagsagawa ng hot pursuit operation gamit ang GPS at CCTV tracking, na nagresulta sa pagkaka rekober ng EC Pay Kiosk sa isang madamong lugar sa NLEx sa may Barangay Saog ng Marilao, Bulacan.

Natunton ang mga suspek sa loob ng Blk. 12, Lot 10, Tinagba St., Brgy. Greater, Lagro, Novaliches, Quezon City, kung saan ay naaresto sila ng mga pulis.

Dagdag ni Peñones na nagnakaw din ang mga naturang suspek sa mga gasolinahan ng Shell at Unioil sa Quezon City, at nakakuha ng mahigit P410,000.

Pinasalamatan ni Peñones ang QCPD para sa agarang tulong upang mahuli ang mga nasabing kawatan.

Kinilala ang mga suspek na sina Richard na taga Caloocan, Jay R na taga Quezon City; John na taga Imus; Manolito na taga Quezon City; Burog na taga Quezon City; Susan, isang call center na taga Quezon City; at Devera na taga Las Piñas.

Narekober mula sa mga suspek ay isang van, isang pistol, isang shotgun, plastic sachet ng droga, safety vault, dalawang crowbar, dalawang sinsil, dalawang telepono, isang grinder, plate number, Nike bag, grocery items mula sa Alfamart.