Ngayong Enero, kasabay ng paggunita sa National Zero Waste Month, muling binigyang-diin ang pangangailangan ng mas malawak at konkretong pagkilos upang harapin ang lumalalang problema sa basura sa bansa.
Ayon sa ulat ng World Bank noong 2025, ika-27 ang Pilipinas sa 50 bansang may pinakamalaking nalilikom na municipal solid waste, umaabot sa 14.6 milyong tonelada kada taon. Karamihan nito ay plastik. Ayon sa mga eksperto, ang patuloy na pagdami ng basura ay nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng publiko, katatagan ng lungsod, at pagsisikap sa pag-angkop sa pagbabago ng klima.
Sa Metro Manila, iniulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong Hulyo 2025 na mahigit 600 tonelada ng basura ang nakolekta sa kasagsagan ng malalakas na ulan dulot ng habagat, kabilang ang 526.8 tonelada mula sa mga pumping station at 76.9 tonelada mula sa mga binahang lugar. Dagdag pa ng Department of Environment and Natural Resources – National Capital Region (DENR-NCR), tinanggal nila ang mahigit 872,000 sako ng debris mula sa mga ilog at estero. Ayon sa mga awtoridad, ang pagbabara ng mga daluyan ng tubig dahil sa maling pagtatapon ng basura ang isa sa nagpalala ng pagbaha sa Metro Manila.
Upang tugunan ang problema, umiiral ang Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act. Layunin ng batas ang paghihiwalay ng basura sa pinagmulan, pagtatatag ng materials recovery facilities (MRFs) sa bawat barangay, at pagbawas ng basura sa pamamagitan ng recycling, composting, at muling paggamit.
Karagdagang hakbang ang Republic Act No. 11898 o Extended Producer Responsibility Act of 2022, na nag-aatas sa mga prodyuser na bawiin at i-recycle ang plastik na packaging waste sa ilalim ng malinaw na EPR programs.
Muling inihain sa ika-20 Kongreso ni Senadora Loren Legarda ang Magna Carta of Waste Workers, na naglalayong i-standardize ang kondisyon sa trabaho, palawakin ang social protection, at kilalanin ang pormal at impormal na waste workers bilang mahahalagang katuwang sa pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Legarda, “Mahahalagang katuwang ang mga waste worker sa pangangalaga ng kalusugan ng publiko at ng kapaligiran. Sa pagtiyak ng kanilang mga karapatan at proteksyon, pinatitibay natin ang people-centered environmental governance.”
Ngayon, binibigyang-diin ng mga awtoridad at eksperto na ang pagharap sa krisis sa basura ay nangangailangan ng sama-samang pagkilos ng bawat institusyon, komunidad, at indibidwal.