Sa Consumer Electronics Show (CES), iginiit ng mga gumagawa ng laruan na nag-iingat sila upang matiyak na ang mga laruan na pinapagana ng artificial intelligence (AI) ay ligtas at angkop para sa mga bata.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng isang ulat ng Public Interest Research Groups (PIRG) na naglantad ng nakakabahalang asal ng isang AI-powered teddy bear. Ayon sa ulat, ang Kumma teddy bear ay nagbibigay umano ng payo tungkol sa sex at nagmumungkahi pa kung paano makahanap ng kutsilyo kapag tinanong. Sa isang halimbawa, iminungkahi pa ng laruan ang pagdaragdag ng “fun twist” sa isang relasyon at role-playing bilang hayop — mga paksang malinaw na hindi angkop para sa mga bata. Ang mga natuklasan ay inilathala sa taunang ulat ng PIRG na Trouble in Toyland noong Nobyembre 2025.
Dahil sa matinding reaksyon ng publiko, pansamantalang itinigil ng Singapore-based startup na FoloToy ang pagbebenta ng Kumma bear. Sinabi ng FoloToy chief executive na si Wang Le sa Agence France-Presse (AFP) na in-upgrade na ng kumpanya ang AI model na ginagamit sa laruan. Ayon sa kanya, ang naunang bersyon ay gumagamit ng mga salitang hindi karaniwang sinasabi ng mga bata, at kumpiyansa siyang ang bagong sistema ay iiwas o tatangging sagutin ang mga hindi angkop na tanong.
Samantala, hindi binanggit ng toy giant na Mattel ang ulat ng PIRG nang ianunsyo nito noong kalagitnaan ng Disyembre ang pagpapaliban ng kanilang unang AI-powered toy na binuo katuwang ang ChatGPT-maker na OpenAI.
Sa mabilis na pag-usbong ng generative AI mula nang sumikat ang ChatGPT, pumasok ang mga bata sa isang bagong mundong mayroong tinatawag na “smart toys.” Isa sa mga sinuri ng PIRG ay ang Grok ng Curio (iba pa ito sa AI assistant ng X/Twitter na mayroong parehong pangalan) — isang apat na paa na plush toy na hugis rocket at ibinebenta mula pa noong 2024. Ayon sa ulat, mahusay ang naging performance ng Grok dahil tumatanggi itong sagutin ang mga tanong na hindi angkop para sa limang taong gulang.
Pinapayagan din ng Grok ang mga magulang na baguhin ang rekomendasyon ng algorithm, magtakda ng sariling settings, at suriin ang mga naging pakikipag-usap ng laruan sa bata. Mayroon din itong independent KidSAFE certification, na nagpapatunay na sumusunod ito sa child protection standards.
Gayunpaman, nananatili ang mga pangamba. Ang Grok ay palaging “nakikinig” para sa mga tanong, na nagbubukas ng usapin tungkol sa privacy at seguridad ng datos. Sinabi ng Curio na tinutugunan na nila ang mga alalahaning binanggit sa ulat ng PIRG, kabilang ang pagbabahagi ng user data sa mga third-party partners tulad ng OpenAI at Perplexity.
May ilang kumpanya naman na naniniwalang may positibong gamit ang AI-powered toys. Ayon sa Turkish firm na Elaves, ang kanilang dilaw at bilugang laruan na Sunny ay gagamit ng chatbot upang tumulong sa pagkatuto ng wika ng mga bata. Nililimitahan ang haba ng mga usapan, ginagabayan itong natural na magtapos, at regular na nire-reset upang maiwasan ang kalituhan, maling sagot, o labis na paggamit — mga problemang karaniwang nangyayari kapag humahaba ang pakikipag-usap sa chatbots.
Sinabi rin ng kumpanyang Olli, na dalubhasa sa AI integration sa mga laruan, na ang kanilang software ay awtomatikong mag-aalerto sa mga magulang kapag may narinig na hindi angkop na salita o parirala sa pakikipag-usap ng bata sa AI toy.
Para sa mga kritiko at nag-aalalang magulang, hindi sapat ang mga hakbang na ito. Anila, kailangang may malinaw at mahigpit na regulasyon sa AI-powered toys, sa halip na ipaubaya lamang sa mga kumpanya ang pagbabantay sa sarili nilang produkto, upang tunay na maprotektahan ang mga bata at pamilya.
Ang pagdating ng AI toys ay senyales ng pagbabagong henerasyon sa paglaki ng mga bata, lalo na sa mga ipinanganak mula 2025 pataas — ang tinaguriang Generation Beta. Hindi tulad ng Generation Alpha na lumaki sa digital gadgets at unang nakilala ang AI noong 2023, ang Generation Beta ay inaasahang lalaki kasama ang AI toys mula pagkabata. Habang nagiging karaniwan ang mga laruan, patuloy ang tanong kung paano ito makakaapekto sa pag-unlad ng susunod na henerasyon.