DYARYO TIRADA
Sotto: DBM records ang dapat tutukan
Sotto, nagbabala na huwag sayangin ang oras sa Cabral files
Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi dapat sayangin ang oras sa tinatawag na Cabral files at mas nararapat umanong pagtuunan ng pansin ang mga dokumentong nagmumula sa Department of Budget and Management (DBM).
Ang Cabral files ay sinasabing listahan ng mga budget insertions at ng mga proponent nito na iniuugnay sa yumaong DPWH Undersecretary Catalina Cabral. Ayon kay Sotto, mas mahalagang imbestigahan ang mga posibleng ghost flood control projects sa Luzon, Visayas, at Mindanao at papanagutin ang mga may pananagutan.
Ipinaliwanag niya na ang pangunahing usapin kaugnay ng Cabral files ay kung alin sa mga proyekto ang may Special Allotment Release Order (SARO) o Notice of Cash Allocation (NCA), kung alin ang aktuwal na naipatupad, at kung sino ang nagpasok ng mga ito.
Tinalakay rin ni Sotto ang pahayag ni Sen. Imee Marcos na umano’y limitado lamang sa mga opisyal ng DPWH ang maaaring ipatawag at tanungin sa mga pagdinig ukol sa flood control projects.
Sa ngayon, wala pa ring itinatakdang petsa para sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa mga alegasyon ng anomalya sa flood control projects.