Nakapagtala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng apat na pagkamatay na may kaugnayan sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno ngayong 2026, mula 9 Enero hanggang 10 Enero.
Ayon kay NCRPO Director Major General Anthony Aberin, batay sa paunang ulat ay apat ang nasawi, bagama’t patuloy pa itong bineberipika ng mga awtoridad.
Kabilang sa mga nasawi ang 55-anyos na photojournalist na si Itoh Son, na bigla umanong bumagsak sa Manila Police District–Ermita Station malapit sa Quirino Grandstand ilang oras bago magsimula ang Traslacion.
Nauna nang kinumpirma ng NCRPO ang dalawa pang pagkamatay habang isinasagawa ang prusisyon, subalit hindi pa naglalabas ng karagdagang detalye ukol sa mga insidente.
Samantala, iniulat ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center na tatlo sa mga pasyenteng isinugod sa kanilang ospital sa kasagsagan ng Traslacion ang binawian ng buhay. Hindi pa malinaw kung kabilang ang mga kasong ito sa kabuuang bilang na iniulat ng NCRPO.
Matatandaang tumagal ng 30 oras at 50 minuto ang Traslacion ng imahen ng Poong Hesus Nazareno mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church—mula alas-4 ng umaga ng 9 Enero hanggang alas-10:50 ng umaga ng 10 Enero—na itinuturing na pinakamahaba sa kasaysayan ng prusisyon.