ANG Diamond Route ay magkokonekta sa Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan upang mapabuti ang paggalaw ng tao at produkto sa rehiyon. Larawan mula sa Philippine Information Agency.
DYARYO TIRADA

Diamond Route, target palakasin inter-island transport sa MIMAROPA

Amelia Clarissa de Luna Monasterial

BOAC, Marinduque — Inanunsyo ng Regional Development Council (RDC) na isinusulong ang “Diamond Route,” isang planong rutang pandagat na mag-uugnay sa Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan upang palakasin ang inter-island connectivity sa Rehiyon IV-B (MIMAROPA).

Ayon kay Marinduque Governor Mel Go, inaasahang gagamit ang ruta ng mas modernong mga barko na idinisenyo upang maging mas ligtas at mas maaasahan ang biyahe, lalo na sa panahon ng masamang kondisyon ng dagat. Layunin ng proyekto na tugunan ang matagal nang hamon sa transportasyon sa pagitan ng mga lalawigan sa rehiyon.

Sinabi ni Go na ang Diamond Route ay bahagi ng mas malawak na programa ng pamahalaan para sa modernisasyon ng transportasyon at napag-usapan sa isang pulong kasama si Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Bilang RDC Chair on Infrastructure, ipinaliwanag ni Go na inaasahang makatutulong ang ruta sa mas episyenteng pagdadala ng mga produkto, mas ligtas na paglalakbay ng mga residente, at mas maayos na daloy ng mga turista sa loob ng rehiyon. Ilang shipping companies na rin umano ang nagpahayag ng interes na maging bahagi ng operasyon ng ruta.

“Higit sa connectivity, ang layunin nito ay gawing mas tuloy-tuloy at maaasahan ang inter-island transport, lalo na para sa mga komunidad na umaasa sa biyahe-dagat para sa kabuhayan at serbisyong panlipunan,” ani Go.

Nagpahayag naman ng suporta si Zubiri sa mga inisyatiba na naglalayong pahusayin ang transportasyon, imprastraktura, agrikultura, at turismo sa MIMAROPA. Inanyayahan din niya ang mga kinatawan ng rehiyon na talakayin ang mga prioridad nito sa nalalapit na pagbubukas ng sesyon ng Senado.

Inaasahang magiging dagdag ang Diamond Route sa kasalukuyang maritime transport systems sa rehiyon, na magbibigay ng mas regular, mas ligtas, at mas konektadong biyahe sa pagitan ng apat na lalawigan ng MIMAROPA.