Nagsampa ng kasong kriminal ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice laban sa contractor na Wawao Builders at sa may-ari nitong si Mark Allan Arevalo kaugnay ng umano’y P48.39 milyong tax deficiency.
Sa isang panayam, sinabi ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na nag-ugat ang kaso sa mga flood control project sa Malolos, Bulacan na itinuring na mga ghost project, dahil wala umanong aktwal na konstruksyon na isinagawa kahit nakatanggap na ng bayad ang kontratista.
Nabatid din na hindi umano idineklara ni Arevalo ang tamang impormasyon sa kanyang income tax at value-added tax (VAT) returns para sa una at ikalawang quarter ng 2024.
Batay sa mga rekord ng BIR, isang kontratang nagkakahalaga ng P77.20 milyon ang iginawad sa Wawao Builders noong Enero 2024 para sa Riverbank Protection Project sa Barangay Caingin. Mula Marso hanggang Abril 2025, nakatanggap ang kumpanya ng kabuuang P72.37 milyon para sa nasabing proyekto.