DYARYO TIRADA
Estados Unidos pansamantalang pamumunuan ang Venezuela
Pansamantalang pamumunuan ng Estados Unidos ang Venezuela matapos madakip ang pangulo nitong si Nicolas Maduro, ayon kay US President Donald Trump.
Aniya, gagawin ito ng Amerika hanggang sa maging ligtas at maayos na transition of power sa bansa.
Kasabay nito, sinabi rin ni Trump na papasukin ng mga kumpanyang langis ng Amerika ang Venezuela upang ayusin ang oil infrastructure nito at magamit ang kikitain para sa kapakinabangan ng publiko.
Ipinahayag ito ni Trump matapos magsagawa ang militar ng Estados Unidos ng isang operasyon upang hulihin si Maduro, na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa narco-terrorism sa Amerika.
Matatandaang mariing itinanggi ni Maduro ang mga paratang at iginiit na layunin lamang ni Trump na kontrolin ang oil reserves ng Venezuela, na itinuturing na pinakamalaki sa buong mundo.