KAHIT na may protective glass, may ilang deboto na umakyat at humipo sa imahen ng Poong Nazareno, bagama’t ipinagbabawal ito ng mga opisyal ng simbahan sa nakaraang Traslacion.  Photograph by King Rodriguez for the Daily Tribune
DYARYO TIRADA

PNP, handa sa seguridad para sa Traslacion 2026

Michael Pingol

Handa ang Philippine National Police (PNP) na tiyakin ang seguridad sa Traslacion 2026 na gaganapin sa 09 Enero 2026.

Ayon kay Manila Police District (MPD) spokesperson Police Major Philip Ines, humigit-kumulang 15,000 pulis ang ide-deploy sa kasagsagan ng Traslacion. Hindi pa kabilang sa bilang na ito ang karagdagang PNP personnel mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na tutulong upang masiguro ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang kaayusan, lalo na’t inaasahan ang dagsa ng mga deboto sa kapistahan ng Poong Nazareno sa Quiapo.

Dagdag pa ng opisyal ng MPD, magbubukas ng mga alternatibong ruta dahil may ilang kalsadang isasara upang bigyang-daan ang mga ruta ng prusisyon. Sinabi rin ng pulisya na wala pa silang namomonitor na seryosong banta sa pagdiriwang ng kapistahan.

Muling binigyang-diin ng MPD ang mga ipinagbabawal na bagay sa panahon ng prusisyon, kabilang ang mga payong, matatalim o bladed na bagay, mga baril, paputok at pyrotechnic devices, mga lalagyang salamin para sa tubig, at ang pagsusuot ng hoodie jackets at mga sumbrero, alinsunod sa umiiral na mga ordinansa ng lungsod.

Pinapayuhan din ang mga debotong lalahok sa prusisyon na kung hindi maiiwasang magdala ng bag, ito ay dapat na transparent. Ipinagbabawal ang mga tindero sa loob ng mga controlled area, at mahigpit na ipinagbabawal ang pagdalo sa kaganapan habang lasing o nasa ilalim ng impluwensiya ng alak. Kung maaari, pinapayuhan ang mga bata at ang mga may karamdaman na huwag nang dumalo.

Ipapatupad din ang no-fly zone, no-drone zone, at no-sail zone sa loob at paligid ng Quirino Grandstand at Quiapo Church.