SUSPEK na miyembro ng rebeldeng grupo, may kasong rebelyon at krimen laban sa sangkatauhan. Larawan mula sa CIDG.
DYARYO TIRADA

Amazona, nadakip sa Butuan

Jonas Reyes

Isang amazona o babaeng miyembro ng rebeldeng grupo ang nadakip ng awtoridad matapos magsagawa ng manhunt operation sa Barangay Bancasi, Butuan City, Agusan del Norte, noong 23 Disyembre 2025.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang operasyon ay nakatuon sa mga tumakas na miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG).

Pinangunahan ng CIDG Lanao del Norte Provincial Field Unit kasama ang mga lokal na kapulisan at ng Police Regional Office 10 ang operasyon, na nagresulta sa pagkakahuli ng suspek.

Ang nadakip ay may warrant para sa kasong Crime of Rebellion o Insurrection (Article 134 ng Revised Penal Code) na inisyu ng Gingoog City court noong 21 Agosto 2021; at paglabag sa Section 4(c) ng Republic Act No. 9851 (Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity) na inisyu sa Cagayan de Oro City noong 28 Pebrero 2022.

Nakilala ang suspek na si Jai, 26 anyos, residente ng Barangay Farmbugas, Claveria, Misamis Oriental.

Si Jai ay miyembro ng Medical Unit ng Sandatahang Digma Group Samsung, Guerrilla Front Huawei, Sub-Regional Committee 1 (SR-1), North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC), at kasama sa listahan ng AFP na Periodic Status Report (PSR).

Ayon sa mga awtoridad, sangkot si Jai sa iba't ibang bayolenteng aktibidad at aksyong terorista sa Claveria, Farmbugas, at Lagonglong sa Misamis Oriental, kabilang ang pagsunog ng dalawang ten-wheeler trucks ng Del Monte Philippines sa Barangay Don G. Pelaez, Claveria, Misamis Oriental noong 2017.

Ipinasinaya ng CIDG sina PCOL Jonathan B. Papay, Regional Chief ng CIDG Regional Field Unit 10, at PMAJ Marc Hedssel M. Culaste, pinuno ng CIDG Lanao del Norte Provincial Field Unit, pati na rin ang iba pang kasamang yunit sa pagkakahuli ng suspek.