Isa na namang commissioner ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang aalis sa ahensya.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Biyernes ng umaga, sinabi ni commissioner Rossana A. Fajardo na naghain siya ng courtesy resignation na magiging epektibo sa 31 Disyembre 2025.
“Aking natapos ang mga layuning itinakda ko nang ako ay italaga, at natitiyak kong natupad ang mga pangunahing layunin ng Komisyon,” ayon sa pahayag.
Gayunman, iginiit ni Fajardo na ang mga tungkuling may kinalaman sa imbestigasyon at prosekusyon ay dapat pangasiwaan ng Department of Justice (DOJ) at ng Office of the Ombudsman, na aniya ay “mas may kakayahang tiyakin ang pananagutan ng mga kontratista at opisyal ng pamahalaan.”
Binanggit din ng commissioner ang pagkakatatag ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption at ng Independent People’s Commission, na ayon sa kanya ay may kaparehong layunin na siyasatin ang mga proyektong pang-imprastruktura ng gobyerno.
Bago ang kanyang pagkakatalaga bilang isa sa mga commissioner ng ICI noong Setyembre, si Fajardo ay isang certified public accountant na may karanasan sa internal controls at risk management.
Si Fajardo ang ikatlong opisyal na umalis sa komisyon, kasunod ng pagbibitiw ng dating special adviser na si Benjamin Magalong noong 26 Setyembre 2025 at ni commissioner Rogelio Singson na inanunsyo ang kanyang pag-alis tatlong linggo na ang nakalipas.
Ang fact-finding body, na may mandatong imbestigahan ang katiwalian at iba pang iregularidad kaugnay ng anomalya sa mga flood control project at kaugnay na isyu, ay itinatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 11 Setyembre 2025.
Sa pagpasok ng susunod na taon, tatlong opisyal na lamang ang nananatili sa ahensya: chairman Andres Reyes Jr., special adviser Rodolfo Azurin Jr., at executive director Brian Keith Hosaka.