AYON kay Rep. Leandro Legarda Leviste, kayang patotohanan ng DPWH, ICI, at Ombudsman ang mga Cabral files na naglalaman ng budget allocations mula 2023 hanggang 2026. Scren grab mula sa live video ni Leandro Leviste.
DYARYO TIRADA

DPWH at Ombudsman, kayang patotohanan ang Cabral files

Amelia Clarissa de Luna Monasterial

Ayon kay Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste, maaaring patotohanan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Independent Commission for Infrastructure (ICI), at Office of the Ombudsman (OMB) ang mga tinaguriang Cabral files, kabilang ang mga detalye ng DPWH budget allocations mula 2023 hanggang 2026.

Sa isang press conference noong Huwebes, 25 December 2025, naglabas si Leviste ng isang set ng mga dokumento na umano’y naglalaman ng humigit-kumulang P3.5 trillion sa capital outlay ng DPWH kada rehiyon na inaprubahan ni Secretary Vince Dizon. Ayon sa kanya, ang mga dokumento ay ibinigay ng yumaong dating DPWH undersecretary na si Maria Catalina Cabral.

Hinamon ni Leviste ang mga kritiko, kabilang ang Malacañang, na humingi ng kumpirmasyon mismo mula sa DPWH, ICI, at OMB.

“Sina Secretary Vince at iba pa mula sa DPWH, at sa Congress ang kukumpirma na totoo ang mga files na aking in-upload,” sabi niya.

Ayon pa kay Leviste, ibinigay niya ang Cabral files sa ICI noong 18 at 19 November 2025, at sa Ombudsman noong 26 November 2025. Dagdag niya, kapwa sinabi ng dalawang ahensiya na hindi pa nila nakikita ang mga dokumento bago ito isumite sa kanila.

Inulit ni Leviste na ang mga naturang ahensiya, kasama ang DPWH, ay nasa posisyon upang patunayan ang pagiging totoo ng mga dokumento at ang mga nakasaad na budget allocation.

Nilalaman umano ng mga dokumento ang capital outlays para sa mga lokal na proyekto, hindi pa kabilang ang gastusin sa mga tauhan, maintenance, at mga proyektong may tulong dayuhan. Kasama rin dito ang mga unprogrammed appropriations na inilabas para sa mga prayoridad na proyekto noong 2023 at 2024.

Tinawag naman ng Malacañang ang mga alegasyon ng budget insertions bilang “sabi-sabi” hangga’t hindi pormal na napatotohanan ng DPWH ang mga dokumento. Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, ang mga materyales na walang opisyal na beripikasyon ay “walang halagang probatibo.”