INAABOT ng mga rescuer ang bumagsak na bus upang tulungan ang mga sugatang pasahero sa lugar ng insidente. Prachin Buri Rescue worker Mongkol Sisama
DYARYO TIRADA

Bus nahulog sa bangin sa Camarines Sur; 4 patay, 23 sugatan

Michael Pingol

Apat na katao ang kumpirmadong nasawi habang 23 naman ang nasugatan matapos mahulog sa bangin ang isang pampasaherong bus sa Andaya Highway sa Barangay Magais 1, Del Gallego, Camarines Sur, dakong alas-2 ng madaling araw noong 26 Disyembre 2025.

Bumiyahe ang bus mula Cubao, Quezon City patungong Gubat, Sorsogon nang bigla itong mawalan ng kontrol at tuluyang mahulog sa bangin. Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga nasawi, habang agad namang isinugod sa mga kalapit na ospital ang mga sugatan.

Matagal nang kilala ang Andaya Highway bilang delikadong daanan dahil sa matatarik na kurbada at malalalim na bangin, dahilan upang paulit-ulit na magpaalala ang mga awtoridad sa mga motorista na mag-ingat sa pagdaan sa lugar.

Sa mga nagdaang taon, ilang insidente na rin ng paghulog ng mga bus at trak ang naitala sa nasabing highway, na kadalasang iniuugnay sa sobrang bilis ng takbo o problema sa makina. Dahil dito, nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang matukoy ang pananagutan ng operator at maiwasan ang pag-uulit ng ganitong trahedya.