Pinagtibay ng House of Representatives, sa pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, ang House Resolution No. 601 na nagpapahayag ng taos-pusong pakikiramay ng buong Kamara sa pamilya ng yumaong kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Antipolo na si Romeo Acop, na pumanaw noong Disyembre 20.
Ang resolusyon ay inakda nina Speaker Dy, Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, at Minority Leader Marcelino Libanan bilang pagpapakita ng pagkilala, paggalang, at pakikiisa ng lehislatura sa pagdadalamhati ng pamilya ng pumanaw na mambabatas. Sa pamamagitan ng HR No. 601, binigyang-diin ng Kamara ang kanilang pakikiramay at suporta sa pamilya ni Rep. Acop sa panahong ito ng pagluluksa.
Inanunsiyo kahapon ni Deputy Speaker Ronaldo Puno ang pagpanaw ng beteranong mambabatas matapos itong atakehin sa puso. Nagpaabot din ng kanilang taos-pusong pakikiramay ang mga kapwa mambabatas at senador sa pagyao ni Rep. Acop.