BINABALIK-TANAW ang huling sandali ni dating DPWH Usec. Maria Catalina Cabral sa reenactment sa Kennon Road sa Tuba, Benguet, kung saan umano siyang nahulog sa Bued River. Larawan ni Romy Salinas via Aldwin Quitasol.
DYARYO TIRADA

Kamatayan ni Cabral, tuloy na iniimbestigahan at tinuturing na pagpapatiwakal

Michael Pingol

Ayon sa mga ebidensya, suicide ang tinuturing na dahilan ng pagkasawi ni dating Public Works Undersecretary Maria Catalina Cabral.

Ito ang sinabi ni Acting Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. matapos isailalim sa autopsy ang mga labi ng opisyal noong nakaraang katapusan ng linggo.

Sa isang ambush interview, nilinaw ni Nartatez na magpapatuloy ang masusing imbestigasyon at karagdagang forensic examination upang matukoy nang tiyak ang sanhi ng pagkamatay ni Cabral.

Naunang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na walang indikasyon ng foul play. Gayunman, ipina-relieve ni Nartatez ang hepe ng pulisya ng Tuba, Benguet dahil sa kakulangan sa maayos na pangangasiwa sa crime scene, kabilang ang pagbibigay ng cellphone ni Cabral sa pamilya at hindi agarang pagselyo ng kuwarto na tinuluyan niya.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa pamilya ng yumaong opisyal kaugnay sa kustodiya ng iba pang gadget na naiwan ni Cabral.