Daily Tribune

DYARYO TIRADA

PCG, tutok sa mga pantalan ngayong holiday season

Michael Pingol · Dec 21, 2025, 11:59 AM

A PCG vessel patrols in West Philippine Sea while a Chinese vessel from afar watches. — PCG

Nasa heightened alert na ang Philippine Coast Guard (PCG) sa buong bansa bunsod ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa mga pantalan ngayong holiday season.

Ipinatutupad ang heightened alert status mula Disyembre 20 at magpapatuloy hanggang Enero 4, 2026, alinsunod sa direktiba ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.

Ayon kay PCG Spokesperson Capt. Naomi Cayabyab, inaasahan ang mas matinding daloy ng mga pasahero simula nitong weekend, na lalo pang mararamdaman ngayong linggo at sa mga susunod na araw bago sumapit ang Pasko.

Bilang paghahanda, nakipag-ugnayan ang PCG sa Philippine Ports Authority at Maritime Industry Authority upang matiyak ang agarang tulong at maayos na operasyon sa mga pantalan.

Paiigtingin din ang seguridad sa mga pangunahing pantalan sa pamamagitan ng layered security, pagdeploy ng K9 units, at mahigpit na pagpapatupad ng pagbabawal sa pagdadala ng mga delikadong gamit tulad ng flammable at explosive materials.