Photo from amy_luna4 on Pinterest.
DYARYO TIRADA

'Latak'

Amelia Clarissa de Luna Monasterial

Lumunok siya,
Hibla ng damit,
Unti-unting hinila
Mula sa kamisetang
Matagal nang
Nalalanta, para
Tumahimik, kumakalam
Na sikmura.

Dinilaan,
Isang kinakalawang
Na martilyo,
Kunwari’y tinatanggal
Ang mantsa ng
Dugo mula sa pagpalo
Nito sa ulo ng kanyang ama.

Natutulog sa tarpaulin,
Parang ang huling kumot
Ng kanyang inang
Yumakap nang mainit
Bago nanlamig
At pumikit nang walang hanggan.

Samantalang nagdiriwang,
Ang mga tao sa kabilang panig
Ng pader.
Tapos na ang gulo,
Ang karahasan.
Pero ang karahasan ay hindi
Nasa bala.
Karahasan ang kinain
Niya at nagpalaki sa kanya.
Huling pamana,
Huling alaala.
Alaalang aalalayin
Siya sa huling
Hininga.