FROM left to right: Gina Batuhan, Head of the Historical Sites and Education Division of the NHCP | Maria Melissa Galauran Lacerna-Dona, Descendant of Emilio Jacinto | Senator Loren Legarda, Guest of honor and speaker | Joseph Francisco Ortega, Chairperson of the National Youth Commission | Mayor Joy Belmonte, Quezon City | Regalado Trota Jose Jr., Chairperson of the NHCP | Rafael Hizon, Vice President-Comptroller, Himlayang Pilipino, Inc. Photo from She Navarro.
DYARYO TIRADA

Senator Legarda, nakibahagi sa ika-150 kaarawan ni Emilio Jacinto

Amelia Clarissa de Luna Monasterial

Nakibahagi si Senadora Loren Legarda sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) at sa Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) sa paggunita ng ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Emilio Jacinto sa Emilio Jacinto Monument sa Himlayang Pilipino, Quezon City noong 15 Disyembre 2025.

Binigyang-diin sa programa ang kahalagahan ng Kartilya ng Katipunan at ang mga prinsipyo ni Jacinto bilang gabay sa makatarungan at tapat na pamumuno. Ayon sa talumpati, “Sa ating panahon, ang laban na ito ay makikita sa pagharap sa misinformation, historical distortion, at online polarization. Kaya’y higit kailanman, tungkulin natin na igalang ang katotohanan at ipagtanggol ang kasaysayan.” Ipinunto rin ang etikal na pamantayan ni Jacinto sa buhay-publiko at tungkulin ng mamamayan, na nagsisilbing halimbawa para sa modernong lider at mamamayan.

Ipinakita rin ang kahalagahan ng integridad sa pamumuno, lalo na sa gitna ng mga isyu ng katiwalian at kawalan ng tiwala sa mga institusyon. Ayon sa programa, paalala ni Jacinto, ang pamumuno ay isang pananagutan at hindi pribilehiyo ng iilan.

Kasama sa pagdiriwang ang pagtatanghal ng musikal na Pingkian: Isang Musikal, na naglalayong ipalapit sa kabataan ang diwa at buhay ni Jacinto sa pamamagitan ng sining at musika. Hinimok ang kabataang Pilipino na isabuhay ang mga pagpapahalaga ng bayani sa kanilang pang-araw-araw na buhay at pakikilahok sa komunidad.

Tinapos ang programa sa hamon sa kabataan na gamitin ang kanilang talino, galing, at tapang upang ipagtanggol ang bayan laban sa bagong anyo ng pang-aapi sa lipunan, at sa pagpili ng liwanag sa kanilang mga desisyon, pamumuno, at paglilingkod sa bayan.

Ang paggunita kay Jacinto ay nagpapaalala na ang mga prinsipyo ng Kartilya ng Katipunan—dangal, malasakit sa kapwa, at tapat na paglilingkod—ay nananatiling mahalaga, lalo na sa panahon ng mabilis na pagkalat ng impormasyon at teknolohikal na pagbabago.

SENATOR Loren Legarda sa harap ng Emilio Jacinto monument,
GUEST of honor si Senator Legarda sa pagdiriwang ng ika-150 na kaarawan ni Emilio Jacinto.