DYARYO TIRADA
Bilang ng mga pinoy na walang trabaho, tumaas ayon sa PSA
Tumaas sa 2.54 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o negosyo noong Oktubre ngayong taon. Katumbas ito ng 5% unemployment rate, o humigit-kumulang 50 sa bawat 1,000 indibidwal ang walang trabaho o pinagkakakitaan sa naturang panahon.
Mas mataas ito kumpara sa 1.97 milyong unemployed na naitala noong Oktubre ng nakaraang taon.
Sa press briefing nitong Martes, Disyembre 10, kaugnay ng Labor Force Survey para sa Oktubre, ipinaliwanag ni PSA Undersecretary at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang pagtaas ng bilang ng walang trabaho ay bunsod ng hindi pagkaka-absorb sa trabaho ng ilang sumali sa labor market.
Ayon sa PSA chief, sa year-on-year comparison, nadagdagan ng 576,000 ang bilang ng mga walang trabaho, habang 463,000 naman ang nadagdag sa bilang ng may trabaho.
Dagdag pa niya, bahagyang nakaapekto ang bagyong tumama noong Oktubre sa pagtaas ng unemployment. Gayunpaman, nakapagtala ng pag-angat sa employment sa sektor ng agrikultura noong Oktubre, kumpara noong Hulyo kung kailan sinalanta ng malalakas na bagyo ang bansa.
Sa sektor ng agrikultura at panggugubat, umakyat sa 1.87 milyon ang bilang ng mga nagkaroon ng trabaho batay sa quarter-on-quarter data. Ang pinakamalaking ambag dito ay ang pagtatanim ng palay, dahil nasa peak season ang rice farming sa huling quarter ng taon. Sumunod dito ang pagtatanim ng mais at hog farming.