Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Palasyo, sisiguruhing may makukulong na sangkot sa flood control scam bago mag-Pasko

Michael Pingol · Dec 3, 2025, 5:54 PM

SECRETARY Dave Gomez.

Inanunsyo ng Malacañang nitong Miyerkules na inaasahang aarestuhin na sa mga darating na araw ang mga malalaking personalidad na sangkot sa paglulustay ng pondo ng bayan para sa mga proyekto sa flood control.

Ito ay kasunod ng pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bago sumapit ang Pasko ay may makukulong nang mga indibidwal na sangkot sa flood control scam, kabilang na ang mga tinatawag na “big fish.”

Ayon kay PCO Secretary Dave Gomez, magsasampa pa ang Ombudsman ng karagdagang mga kaso sa Sandiganbayan matapos ang nauna nitong paghahain ng kaso noong Nobyembre 18 laban kay dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co at 15 iba pa kaugnay ng umano’y substandard na flood control project sa Oriental Mindoro.

Dagdag pa ni Gomez, siyam sa mga akusado ang naaresto na at dinala sa Sandiganbayan, habang si Co at anim pang kasama nito ay patuloy pang hinahanap ng mga awtoridad.

Tiniyak naman ni Gomez na may mga susunod pang kasong isasampa sa mga darating na araw, at tiyak umanong kabilang na rito ang malalaking personalidad na “magpapasko sa piitan,” alinsunod sa pangako ng Pangulo.