Screngrab from Boldyak TV
DYARYO TIRADA

Roque, hindi umano inaresto kundi boluntaryong sumama sa mga pulis

Abegail Esquierda

Mariing binabulaanan ng dating Presidential Spokesperson ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Harry Roque ang balitang inaresto siya kaya’t hindi natuloy sa biyahe patungong Austria.

Sa isang online interview nitong Martes, Nobyembre 25, nilinaw ni Roque na hindi umano siya inaresto, kundi boluntaryo siyang sumama sa mga pulis.

“Kasi nga masunurin ako,” dagdag pa ni Roque.

Pinaliwanag din niya na nakansela ang kanyang flight dahil sa dalawang medical certificate na nagsasabing siya ay “unfit to fly.” Aniya, kusa niyang ipinasya na hindi na tumuloy sa biyahe.


“Akala ko wala akong choice,” wika niya.

Layunin sana niyang tumungo sa Vienna, Austria upang mag-request ng asylum.

“Noong a-trenta, nagkaroon ako ng major surgery, at kahapon nagkaroon ako ng minor day surgery. Yung pareho kong doktor ay nag-issue ng certificate that I am unfit to fly,” paliwanag ni Roque.

Nang tanungin kung sino ang sa tingin niya ay pinagmulan ng “fake news,” sagot ni Roque: “’Edi ‘yung bestfriend nating bangag.”


Dagdag pa niya, isa raw itong pagtatangkang ilihis ang publiko mula sa mga isyung ibinabato kina Pangulong Bongbong Marcos, matapos ang mga pahayag nina dating Ako Bicol Representative Zaldy Co at Senadora Imee Marcos.

Ayon naman kay Department of Justice (DOJ) Spokesperson Polo Martinez, mapapadali ang deportasyon ni Roque dahil sa pagkansela ng kanyang pasaporte.