DYARYO TIRADA

Drug test, hamon ni Sara kay PBBM

Michael Pingol

Hinimok ni Bise Presidente Sara Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sumailalim sa isang drug test matapos ang alegasyon ng presidential sister na si Senator Imee Marcos na gumagamit umano ang first family ng ipinagbabawal na droga.

Sa isang panayam, sinabi ni VP Sara na dapat magpakita ng resulta ang Pangulo upang patunayan na kaya pa nitong pamunuan ang bansa.

Nang tanungin kung naniniwala siya sa naturang alegasyon, sinabi ng Bise Presidente na halos lahat ng nakakasama nila sa mga party ay sinasabing gumagamit ng droga.

Samantala, una nang sinabi ng Palasyo na negatibo ang naging resulta ng drug test ni Pangulong Marcos at wala itong balak na sumailalim sa hair follicle test.

Kaugnay nito, tumanggi namang magkomento si VP Sara tungkol sa posibilidad na siya ang pumalit sa Pangulo sakaling mapatalsik ito, dahil posibleng lalo lamang umanong lumala ang sitwasyon. Nakatakdang dumalo si Duterte sa Senate Hearing sa Huwebes, ika- 27 ng Nobyembre, para sa 2026 budget ng Office of the Vice President.