DTI Secretary Ma. Cristina Roque (left) and Special Assistant to the President for Investments and Economic Affairs Secretary Frederick Go are leading the team set to fly to the US to renegotiate the 20 percent tariff imposed by President Donald Trump on Philippine exports with US Trade Representative Jamieson Greer. 
DYARYO TIRADA

Taripa sa ilang bilihin, tinanggal

Michael Pingol

Isang malaking tagumpay sa larangan ng kalakalan ang nakuha ng Pilipinas matapos alisin ng Estados Unidos ang taripa sa mahigit $1 bilyon na halaga ng mga produktong agrikultural ng bansa, pati na rin sa iba’t-ibang industrial goods. Dahil dito, halos kalahati ng kabuuang eksport ng Pilipinas sa U.S. ay makapapasok na nang walang bayad na taripa.

Ayon kay Acting Finance Secretary Frederick D. Go, malaking benepisyo ito para sa sektor ng agrikultura dahil kabilang sa mga produktong tinanggalan ng 19 percent tariff ang saging, niyog, mangga, dried guava, kape, tsaa, spices, at ilang uri ng fertilizers. Ani Go, ang pagtanggal ng taripa ay magpapalakas sa kompetitibong presensya ng mga produktong Pilipino sa merkado, lilikha ng mas maraming trabaho, at magpapatatag ng supply chain.

Ipinahayag ng Department of Trade and Industry na umabot sa $1 bilyon ang export value ng mga produktong agrikultural noong 2024, habang nasa $5.8 bilyon naman ang halaga ng industrial products na kasama rin sa exemptions.

Inanunsyo ng White House noong Biyernes ang pagtanggal ng taripa matapos ang reciprocal trade talks at pagsusuri sa domestic demand at production capacity ng U.S. Sa ilalim ng bagong polisiya, humigit-kumulang $14.5 bilyon na eksport ng Pilipinas ang papasok sa merkado ng U.S. nang duty-free, kabilang ang maraming industrial products gaya ng semiconductors.

Ayon kina Go at DTI Secretary Cristina Roque, nagpapatuloy pa ang negosasyon upang maisama rin sa susunod na batch ng tariff exemptions ang garments, textiles, at furniture. Ang 19 percent tariff ay ipinataw ng U.S. noong Hulyo sa karamihan ng produktong Pilipino, kasabay ng pagpataw nito sa iba pang pangunahing ekonomiya sa ASEAN.