Dismissed Bamban Mayor Alice Guo made her first appearance on Thursday at the House Quad Committee, probing illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), in which she is heavily implicated. Phot by House of Representatives
DYARYO TIRADA

Alice Guo nahatulang guilty dahil sa qualified trafficking

Michael Pingol

Pinagtibay ng Pasig City Regional Trial Court ang hatol na guilty laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para sa qualified trafficking, kaugnay ng mga ilegal na aktibidad na nadiskubre sa isang illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kanyang nasasakupan.

Bukod kay Guo, hinatulan din sina Rachelle Malonzo Carreon, Jaimielyn Cruz, at Walter Wong Rong ng reclusion perpetua at pinagmulta ng P2 milyon. Hindi personal na dumalo si Guo at ang kanyang 15 naakusahang kasamahan sa promulgasyon nitong Huwebes, ika-20 ng Nobyembre, at dumalo lamang sa pamamagitan ng video conference.

Nanggaling ang kaso sa reklamong inihain ng Philippine National Police at Presidential Anti-Organized Crime Commission matapos ang isang raid noong nakaraang taon sa POGO na pinatatakbo ng Zun Yuan Technology. Ang pasilidad ay nakatayo sa lupang pag-aari ng Baofu Land Development Inc., at nadawit si Guo dahil sa kanyang leasing company na Baofu, na nagpaupa ng mga espasyo sa Zun Yuan.

Nauna nang sinibak si Guo ng Office of the Ombudsman dahil sa grave misconduct matapos siyang maiugnay sa Chinese-run online gambling center sa Bamban, kung saan daan-daang manggagawa umano ang pinilit na magsagawa ng mga scam kapalit ng banta ng pagpapahirap.

Noong Hunyo, tinanggal din si Guo sa kanyang posisyon ng Manila Regional Trial Court Branch 34 matapos aprubahan ang quo warranto petition ng Office of the Solicitor General. Ayon sa hatol, iisang tao sina Chinese citizen Guo Hua Ping at Alice Leal Guo, dahilan upang ideklarang walang bisa ang kanyang appointment at buong termino bilang alkalde.

Dati na ring kinasuhan ng Department of Justice si Guo dahil sa umano’y paglabag sa isang probisyon ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, na nagpaparusa sa mga indibidwal na “nagsasaayos, nagbibigay ng pinansyal na suporta, o nag-uutos sa iba na gumawa ng mga akto ng trafficking.”

Kabilang din sa mga isinampang respondents ang dating Technology and Livelihood Resource Center deputy director general at kinatawan ng Zun Yuan Technology na si Dennis Cunanan, gayundin ang ilang executives at founders ng tatlong POGO companies.