Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Freelance model, natagpuang walang buhay sa condo unit ng dating boyfriend sa QC

Michael Pingol · Nov 18, 2025, 11:11 AM

Credit to Gina Lima Facebook Page

Isang VivaMax artist, freelance model, at influencer ang natagpuang patay ng kanyang dating nobyo sa loob ng condo unit nito sa Quezon City.

Idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang 23-anyos na si Gina Lima, tubong Bayugan, Agusan del Sur, matapos siyang isugod ng dating kasintahan na si Ivan Cezar Ronquillo, 24, mula sa tinitirhan nitong condo sa Brgy. Katipunan, Quezon City.

Ayon sa ulat, tatlong taon nang hiwalay sina Lima at Ronquillo, ngunit dumalaw umano ang babae sa dating nobyo bago mangyari ang insidente.

Ikinuwento ni Ronquillo na magkasama sila ng biktima sa loob ng condo at nang magising siya, napansin niyang hindi na humihinga si Lima, kaya agad niya itong dinala sa ospital.

Base sa paunang medical assessment, namatay ang biktima dahil sa cardio-respiratory distress.

Agad ding nagtungo ang mga imbestigador sa condo, ngunit wala silang nakitang senyales ng puwersahang pagpasok o anumang kaguluhan sa loob. Gayunpaman, napansin ng mga imbestigador na may ilang pasa sa hita ng biktima.

Ayon kay Pol. Col. Edison Juano, hepe ng QCPD Criminal Investigation and Detection Group Unit, masyado pang maaga upang magbigay ng konklusyon, ngunit kung may indikasyon ng foul play ay kinakailangan ang masusing imbestigasyon.