Sinabi ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na tila “nawala sa katinuan” si Senator Imee Marcos matapos ang pagbatikos nito laban sa First Family noong Lunes, ika-17 ng Nobyembre, sa ikatlong araw ng prayer rally ng Iglesia Ni Cristo sa Luneta Park.
Ayon kay Gadon, hindi lamang ang Pangulo at First Lady Liza Araneta Marcos ang sinisira ng senadora kundi pati ang pangalan ng buong pamilyang Marcos.
"Magisip-isip ka Imee. Nasaan ang utak mo?," sabi ni Gadon.
Dagdag pa niya, “Nakakadismaya ang ginagawang ito ni Senator Imee Marcos na ito, sinisira niya ay hindi itong si PBBM, kung di ang buong pangalan ng mga Marcoses. Napaka-tagal na panahon morw than 30 years, 36 years na, niyuyurakan, sinisipa ang kanilang pangalan, ngayon na ang mga Filipino ay nagising na sa katotohanan, na ang lahat ng paninira ay isinantabi na nila at ibinoto si Pangulong Bong Bong Marcos para maituwid ang kasaysayan at upang gimanda ang takbo ng Pilipinas at makabawi tayo sa lahat ng pangyayari na lumugmom sa ating bansa. Ngayon siya (Sen. Imee) ang sumisira,” ayon kay Gadon.
Sinabi rin niya na pinagtatakpan umano ng senadora ang posibilidad na madawit ang kanyang pangalan sa umano’y iregularyidad sa mga flood control project, lalo na’t malapit nang tumestigo ang umano’y “bagman” nito kaugnay ng mga proyekto sa Ilocos.
"Hindi dapat ganyan ang ginagawa mo (Imee). Sinisira mo ang inyong pangalan, kasi meron kang nauulinigan na ang iyong 'bagman' diyan sa DPWH ay malapit nang kumanta diyan sa mga DPWH projects na yan. At aking narinig din, na ang mga Discaya ay contributor din sa campaign mo, donor mo rin sa campaigb mo," paliwanag ni Gadon.
Ayon pa sa kanya, posibleng may tampo rin ang senadora dahil may mga kahilingan at pabor na hindi naibigay sa kanya ng Pangulo.
"Hindi ka napagbibigyan sa mga puwesto gusto mong ipaappoint. Kaya ikay ay galit na galit sa iyong kapatid. Pero kung galit ka sa kapatid mo, dapat iyan ay ipaglihim niyo lang sa inyong pamilya. Huwag mong idamay ang mga Filipino. Huwag mong idamay ang Pilipinas sa iyong paninira. Magdedwstabilize ka ng gobyerno. Sinong pinapahirapan mo ang mga Filipino. Dapat mo bang sirain ang ating bansa? Magisip-isip ka Imee. Nasaan ang utak mo?," ayon pa kay Gadon.