Ipinaalala ng Office of Civil Defense (OCD) Eastern Visayas sa mga rescuers na tiyakin ang kanilang kaligtasan sa pagsasagawa ng operasyon sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Tino sa bansa.
Sa isang panayam, nagbabala ang officer-in-charge ng OCD Eastern Visayas na si Rey Gozon na huwag munang magsagawa ng search and rescue operations habang kasagsagan ng bagyo dahil delikado ito at maaaring malagay sa panganib ang buhay ng mga responders.
“Antayin lumipas ang bagyo saka lang tayo mag-conduct ng search and rescue ops para safe tayong lahat,” ani Gozon.
Wala pang naiuulat na pinsala sa rehiyon, ngunit magpapatuloy ang OCD sa pagmamanman ng sitwasyon at pagbibigay ng mga update.
Dagdag pa ni Gozon, may sapat na espasyo sa mga evacuation center para sa mga residenteng lumikas. Hinimok din niya ang publiko na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan upang maiwasang tamaan ng mga lumilipad na debris.