Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 28-anyos na binata matapos buhusan ng gasolina at silaban ng isang lalaking umano’y nagseselos, sa Brgy. Pitogo, Taguig City.
Ayon kay Jane Villaroel, ina ng biktima na si James, nagtamo ng third-degree burns ang kanyang anak at kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon sa ospital.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Greg,” 43-anyos, na hinihinalang pinagselosan si James sa hindi pa malinaw na dahilan.
Bukod kay James, nadamay rin sa insidente si Jessily, isang babae na noon ay naglalaba sa tapat ng bahay ng biktima. Nagtamo siya ng first-degree burns.
Ayon kay Brgy. Chairman Ives Ibrada, matagal nang may Barangay Protection Order laban sa suspek, matapos magsampa ng reklamo ang misis nito dahil sa umano’y pananakit at verbal at psychological abuse. Gayunman, hindi nito napigilan ang karumal-dumal na insidente.
Hustisya ang panawagan ng ina ng biktima para sa kanyang anak.