Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Babaeng nagtampo, umakyat sa NGCP tower sa Bataan

Michael Pingol · Jun 23, 2025, 4:48 PM

HULOG ng damdamin: Babaeng nagtampo, muling umakyat sa NGCP tower; nailigtas matapos ang 2 oras na pakiusapan. — Photo from NGCP / Facebook

Nabulabog muli ang mga residente ng Brgy. Doña Francisca sa Balanga City, Bataan matapos muling umakyat sa tore ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang isang 21-anyos na babae kahapon, sa tangkang pagpapatiwakal bandang alas-dose ng tanghali.

Agad rumisponde ang Balanga City PNP, City Marshal, at rescue team matapos makatanggap ng tawag ukol sa insidente. Agad silang nagtungo sa lugar bitbit ang mga safety equipment, kabilang ang malaking rescue airbag na inilatag sa ilalim ng tore bilang paghahanda sakaling tumalon o mahulog ang babae.

Ayon sa mga otoridad, hindi ito ang unang pagkakataon na umakyat ang nasabing babae sa tore. Una na siyang napaulat na umakyat dito tatlong buwan na ang nakararaan, sa hatinggabi, matapos uminom ng alak at magtampo sa kanyang live-in partner.

Sa pinakahuling insidente, sinabi ng mga residente na hindi naman lasing ang babae ngunit nagtampo umano ito matapos maubusan ng pagkain.

Matyagang kinumbinse ng barangay kapitan at ilang kagawad ang babae na bumaba. Matapos ang mahigit dalawang oras na pakikipag-usap, matagumpay rin siyang napababa nang ligtas mula sa tore.

Patuloy namang mino-monitor ng mga otoridad ang kalagayan ng babae at posibleng isailalim ito sa counseling o psychiatric intervention upang matulungan sa kanyang pinagdaraanan.