DYARYO TIRADA
4 na kababaihan, timbog sa ilegal na pagbenta ng raw lot online
Nahuli ng National Bureau of Investigation Region 11 (NBI-11) ang apat na babae sa isinagawang entrapment operation kaugnay ng umano’y pagbebenta ng illegal raw lot online sa lungsod ng Davao.
Ayon sa NBI-11, modus operandi ng mga suspek ang mag-alok ng lupa sa mababang presyo gamit ang mga pekeng dokumento. Napag-alaman din na wala silang otorisasyon sa pagbebenta ng mga lupa na kanilang inalok.
Bukod dito, dinadala ng mga suspek ang kanilang mga biktima sa mga site visit, bagamat hindi naman tunay na pag-aari nila ang mga lupang ito o walang pahintulot mula sa tunay na may-ari.
Hindi nagpaliwanag ang mga nahuling suspek sa kabila ng kanilang pagkakahuli at kasalukuyang nahaharap sa kasong estafa.
Nagpaalala ang NBI sa publiko na maging maingat sa pagbili ng raw lot, lalo na sa mga online transactions, upang maiwasan ang mapanlinlang na mga modus.