DYARYO TIRADA
Kampanya vs kolorum, overcharging taxi sa NAIA sinimulan
Sinimulan na ng Department of Transportation (DOTr) ang kampanya laban sa mga kolorum at sobra-sobrang maningil na taxi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Pinangunahan ni Transportation Secretary Vince Dizon ang operasyon matapos magsagawa ng surprise inspection sa paliparan. Sa isinagawang operasyon, dalawang kolorum na taxi at ilang taxi na may prangkisang pang-truck ang nahuli.
Nakiisa rin sa operasyon ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Tiniyak ni Secretary Dizon na magpapatuloy ang kampanya upang matigil ang pang-aabuso sa mga pasahero. Aniya, papatawan ng kaukulang parusa ang sinumang mahuhuling lalabag sa mga alituntunin.