DYARYO TIRADA
Freddie Aguilar pumanaw na
Inihayag ng kaanak at mga kaibigan nitong Martes ang pagpanaw ng Filipino folk singer na si Freddie Aguilar sa edad na 72 sa Philippine Heart Center.
Ang balitang ito ay kinumpirma ni Atty. George Briones ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) kung saan naging national executive vice president si Aguilar.
Nagpasalamat naman ang partner ni Aguilar na si Jovie Albao sa mga tao at kaibigan na patuloy na sumuporta sa singer.
“Nakakatouch yung mga kinukumusta rin ako sa gitna ng kalagayan ni Freddie. Hindi ko kayo maisa-isa replayan pero wag kayo mag alala ok lang ako, always finding courage in the face of fear,” saad ni Jovie sa isang FB post.
"Ang priority natin ngayon ay ang kalagayan ni Freddie, pasensya na kayo na wala akong mabigay na detailed info sa inyo kasi pang-pamilya at malalapit na kaibigan lang muna ito," dagdag niya.
Isa si Aguilar sa mga haligi ng Original Pilipino Music (OPM), dahil sa iconic na kantang “Anak.”
Ipinanganak siya noong Pebrero 5, 1953. Nagsimula siyang mag-compose ng mga kanta sa edad na 14 at kalaunan ay naging isang street musician bago sumikat sa folk clubs at bars.
Kilala rin siya sa kanyang rendisyon ng “Bayan Ko”, na naging awit ng oposisyon laban sa Martial Law noong EDSA Revolution noong 1986.