DYARYO TIRADA

Kathryn Bernardo at Nadine Lustre, tunggalian at puksaan, ikinakasa!

Alwin Ignacio

Hindi pwedeng itanggi na sina Kathryn Bernardo at Nadine Lustre ang dalawa sa pinaka-manigning at talaga namang nangagabog ang mga evening gown na suot sa katatapos lamang na ABSCBN Ball. Si Anthony Ramirez ay may likha sa nude hued dress with a slit ni Bernardo. At ang off white with hints of gold gown ni Lustre ay likha naman ni Rajo Laurel.

Sa true lang at walang halong kiyeme latik, trending ang mga photo at video nina Queen Kath at president Nadine, huh! Super sisterhood at best girl friend bonding ang tawanan at tsikahan nilang dalawa na tunay ikinalugod ng kanilang mga tagahanga at sumusuporta.

Sa true muli, ngayong tapos na ang tulungan at gamitan nina Kathryn at young master Richard Faulkerson Jr., na mas tanyag bilang Alden Richard at ang pagiging happy ni Nadine sa piling ni Christophe Bariou at vegan food choices eh nakakabagot na at nakakahikab, dapat na nilang seryosohin at magkapit bisig para sa kanilang tunggalian at puksaan bilang mga millennial showbiz reyna.

Super seasoned na ang huling apat na movie queens na sina Nora Aunor, Vilma Santos, Sharon Cuneta at Maricel Soriano.

Pilit na pilit ang pagturing at pagtanggap kay Judy Ann Santos bilang huling movie queen sa Pinoy showbiz.

Tunay na pralala at isang malaking kalapastanganan nung tinawag na “this generation’s movie queen” si Bea Alonzo dahil mas dapat maging showbiz reyna sa kanya si Angel Locsin at Marian Rivera.

Kung seseryosohin nina Queen Kath at president Nadine ang kanilang tunggalian, walang halong charot, sisigla muli ang showbiz industry lalo na kung mga mapaghamong mga katauhan ang kanilang bibigyang buhay sa pelikula.

Tama na muna ang bread tripping sa telebisyon. Ilagay nila ang giyera sa mga sinehan at magpagilangan sa pag-arte lalo na nga’t ang dami-daming pang mga buhay at personalidad ng isang babae ang dapat mailagay sa pinilakang tabing.

Panahon na rin para makipagsapalaran at makipagtrabaho sa mga relatively young directors tulad nina Zig Dulay, Jerold Tarog, Jade Castro, Mikhail Red, Benedict Mique at iba pa.

Hinog na rin sila na makapareha ang mga tulad nina Jericho Rosales, Dennis Trillo, Dingdong Dantes, Piolo Pascual, Elijah Canlas,  Joshua Garcia ar Cedric Juan.

Pwede rin silang pagsamahin o kaya ay makasama sa isang proyekto kung sino man kina Superstar Aunor, Star For All Seasons Santos, Megastar Cuneta at Diamond Star Soriano.

Nawa’y may mga producer na sumugal sa tunggalian nina Kathryn Bernardo at Nadine Lustre.Sa totoo lang, waging-wagi ito at ang lahat ay magiging masaya sa showbizlandia kung paiigitingin talaga ang tapatang Queen Kath at president Nadine, huh!