(FILE PHOTO) Former Philippine President Rodrigo Duterte gestures as he attends a Senate inquiry on the so-called war on drugs during his administration, October 28, 2024  Jam Sta Rosa/AFP
LATEST

Pagdeklara ng martial law, fake news ayon sa mambabatas

Michael Pingol

"Fake news lamang" — ito ang paniniwala ni House Deputy Leader at La Union Rep. Paolo Ortega sa pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magdedeklara umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng martial law.

Bukod dito, itinanggi rin ni Ortega ang umano’y plano na mapatalsik si Bise Presidente Sara Duterte upang manatili sa puwesto at kapangyarihan.

Samantala, ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, may karapatan ang dating pangulo sa kanyang opinyon, ngunit iginiit niyang may matibay na basehan ang mga kaso laban sa Bise Presidente. Aniya, ang mga ito ay may kaugnayan sa maling paggamit ng confidential funds at pagbabanta sa pangulo, at hindi dahil sa isyu ng pulitika.

Hinimok din ni Adiong ang publiko na huwag balewalain ang mahahalagang usapin at huwag magpalinlang sa mga taktikang politikal. Dagdag pa niya, hindi dapat haluan ng electoral politics ang usapin ng constitutional accountability.