Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Kotse ng photojournalist pinasabog

Michael Pingol · Feb 23, 2025, 3:39 PM

Nasunog at nasira ang kotse ng isang photojournalist na si Michael Varcas matapos itong taniman ng pampasabog sa Barangay Pinyahan sa Quezon City.

Ayon kay Varcas, nasa bahay siya nang mangyari ang insidente at napansin niya ang isang motor na huminto malapit sa kanyang nakaparadang sasakyan bago ang pagsabog.

Matapos ang ilang oras nang umalis ang motor, doon daw nangyari ang malakas na pagsabog at paglabas niya ng bahay ay nasusunog na ang kanyang sasakyan.

Agad naman na tumawag si Varcas sa Quezon Police District (QCPD) at Explosive Ordinance Disposal Unit para matiyak pa kung may iba pa natanim na pampasabog sa lugar.

Sinabi ng Kamuning police na naghahanap ang mga imbestigador ng lead para matukoy ang dalawang lalaki na nagtanim ng improvised explosive device sa kotse ni Varcas.

Dagdag pa ng pulisya, nangyari ang pagsabog alas-2:35 ng madaling araw noong Martes. Narekober ng mga imbestigador ang mga fragment ng tila isang improvised  Molotov bomb.