Hiniling ni Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David nitong Miyerkules sa publiko na mag-alay ng panalangin para kay Pope Francis sa gitna ng kanyang pagkakaospital.
Ayon sa Vatican, nagkaroon ng pulmonya ang Santo Papa sa magkabilang baga at nananatiling "complex" ang kanyang kondisyon.
Ang 88-anyos na Santo Papa, na pinuno ng Simbahang Katoliko, ay dumaranas ng impeksyon sa paghinga sa loob ng mahigit isang linggo at na-admit sa isang ospital sa Roma.
Kinansela ng Vatican ang lahat ng kanyang aktibidad habang nilalabanan niya ang sakit. Ilang araw din siyang nakaranas ng sintomas ng brongkitis kaya’t nagtalaga ng opisyal na magbabasa ng kanyang talumpati.
Lalo pang nagiging vulnerable ang Santo Papa sa impeksyon sa baga dahil sa kanyang edad at sa kasaysayan niya ng pleurisy.