DYARYO TIRADA

Kaalaman at kasanayan para sa lahat

DT

Dahil sa teknolohiya, maaari nang makapag-aral ang sinuman ng libre at saanman siya naroroon. Ginagawa na ito ng TESDA na maraming kursong pangkasanayan ang itinuturo sa pamamagitan ng Internet tulad ng pagkakarpintero, pagwe-welding o pag-aayos ng buhok. Maaaral ang ito gamit ang computer o cellphone at koneksyon sa Internet o Wi-Fi.

Kaya naman hindi na katakataka na nagbibigay rin ng sariling mga kurso na libre ang Unibersidad ng Pilipinas. May 44 Massive Open Online Courses ang pamantasan na makukuha ngayong taon. Kabilang sa mga libreng aralin ang graphic design, artificial intelligence, gender sensitivity, marketing, e-commerce at video editing. Ang pag-e-enroll sa mga kurso ay online din ginagawa, hindi na kailangang pumunta sa pamantasan sa Quezon City. Magrerehistro lamang ang interesadong mag-aral sa UP Open University o portal ng kanilang online education.

Sa karaniwang kurso sa kolehiyo, may limitasyon sa bilang o quota ng nag-e-enroll ang tinatanggap ng UP taun-taon. At mga pasado lamang sa kanilang entrance examination ang tinatanggap nila.

Kung kaya naman ng UP magbigay ng libreng kurso tulad ng nabanggit, bakit hindi nila ibigay ang mga Bachelor of Arts o Science na degree nang libre sa online upang mas marami ang makapagtapos ng kolehiyo nang libre?

Sakaling gawin ito ng mga unibersidad ng estado, magiging balakid lamang ang koneksyon sa Internet sa malalayong lugar na hindi nakasasagap ng signal sa Internet. Ito naman ay kayang masolusyunan sa tulong ng mga Internet Service Providers bilang kanilang kawang-gawa o serbisyo publiko.

Puspusan at malawakan dapat ang pagbibigay ng libreng edukasyon upang marami ang makinabang. Para sa ikabubuti ng bayan ang mapaaral ang lahat ng nais mag-aral dahil makakatulong sila sa pagpapalakas ng ating ekonomiya at pagbuhay sa sarili nila, sampu ng kanilang mga pamilya.

Kaya naman magbigay ng Department of Education ng mga laptop sa mga mag-aaral, na ginawa nito noong kasagsagan ng pandemya para sa online class. Kaya hindi imposibleng mamahagi ang pamahalaan ng mga laptop o computer na gagamitin para sa libreng edukasyon.