Mabuti at napagtuunan na ng pansin ng mga mambabatas ang mataas na presyo ng bigas nang magsimula ang imbestigasyon nila sa isyu. Ngunit tila hindi madali ang kinakaharap nila sa pagtukoy ng salarin sa napakamahal na bigas sa kabila ng mga hakbang na ginawa ng Kongreso upang mapababa ito.
Sa unang yugto ng imbestigasyon ngayong linggo, lumabas na naisahan ang mga mambabatas sa pagbalangkas ng batas na nagpapababa sa taripa sa angkat na bigas nang aminin ng Department of Trade na hindi umubra ang taktikang galing sa kanila.
Pinababa ang taripa sa bigas dahil sa paniniwalang bababa ang presyo kung mas marami ang supply sa merkado. Subalit hindi ito nangyari at nanatiling nasa P50 pataas ang presyo ng kada kilo ng bigas sa mga pamilihan. Kaya mukhang naisahan ng mga nagbebenta ng bigas sa mataas na presyo ang mga naturingang matatalinong opisyal.
Bagaman sa mababang presyo na P40 per kilo nabili at naibenta ng mga taga-angkat ang bigas galing sa Pakistan, tila hindi sinunod ng mga retailer ang presyo at binebenta pa rin nila ang bigas sa P50 kada kilo pataas. Kung bakit nila binenta sa mataas na presyo ay hindi pa malaman dahil walang naimbitahang mga retailer ng bigas sa pagdinig.
Bukod sa hindi umubrang taripa sa bigas, nagkulang rin ang DTI sa pagkilatis ng mga taga-angkat ng bigas dahil lumabas sa pagdinig ng mga kongresista na wala silang sapat na kapital. Isang milyong piso lang ang kapital ng isang malaking taga-angkat ng bigas ngunit ang halaga ng angkat nitong bigas ay mahigit rito.
Sa pagbisita naman ng mga warehouse ng bigas, may imbakan na hindi rehistrado, na labag sa regulasyon.
Dumalo sa pagdinig ang mga nag-aangkat ng bigas at mga wholesaler ngunit hindi naman sila nadiin na salarin sa mataas na presyo ng bigas.
Hindi natukoy kung sino ang may kinalaman sa mataas na presyo ng bigas. Sa puntong ito, kulang pa ang imbestigasyon. Kumbaga sa sinaing, malata pa o hilaw pa ang kanin para kainin.
Ang susunod na tanong, mapapababa ba ng pagdinig ang presyo ng bigas?