DYARYO TIRADA

Maris Racal, abswelto sa turing na ‘Madonna, ang Babaing Ahas!’

Alwin Ignacio

Ang mga kototo kong Generation Xer, alam agad na si”Madonna, Ang Babaing Ahas” ay katauhang binigyang buhay ni Snooky Serna sa pelikula. Isa pang ‘babaing ahas’, si Galema, na anak ni Zuma, binigyang buhay rin ni Serna sa pelikula. Kung bakit ang mga sumusygal sa mga pelikula, gustong-gusto na si Snooky ang magbigya buhay sa mga nakakaliw at nakakabaliw na mga katauhang ito, sila lamang ang may sagot. Ang nasabing mga pelikula, ay naging matagumpay sa takilya kaya nga Third Force o Pangatlong Fuerza ang tawag kay La Serna dati, nung kasagsagan ng tunggalian nina Sharon Cuneta at Maricel Soriano sa movie queendom.

Ngayon, ang nasabing pamagat at katauhan sa pelikula, partikular na si Madonna, pangmalakasang ibinabato at ibinibintang kay Maris Racal. Para sa mga dalahira at katkatera, bagay na bagay at talagang sinagpang nito sa totoong buhay ang pagiging ‘babaing ahas’ dahil buo ang kanilang paniniwala na inahas ni Racal si Anthony Jennings sa kasintahan nitong hindi taga showbiz.

Sa totoo, tunay na knight in shining armor ni Maris si young master Jennings dahil inabswelto nito ang kanyang kapareha tungkol sa isyu na diumano, ito ang may sala kaya ang dekolor at puti nila ni Jam Villanueva ay hiwalay na.

Ngayong si Anthony na mismo ang “naglinis” sa panalan ni pretty young miss Racal, makakasiguro na ba tayo na ang babaing minsan ay kanyang minahal, hindi na kakana, at hindi na magpapakawala ng mga matalinhagang mga pahayag sa kanyang social media account? Naku, naku, naku…. look na lang ako sa sky kasi nga ang babaing ang pangalan ay pang-palaman sa tinapay, bet na bet ang mga galawang starlet, huh.

Ngayong si young master Jennings ang naglagay ng tandang pandamdam sa estado ng kanilang relasyon, tiyak na bago pa natin maitanong ano nga ba ang paborito mong jam, may bago na naman itong pangmalakasang pahayag o kaya mag-mo-moment ito sa isang ekslusibong panayam na may kasamang paglagaslas ng luha para mag-starlight, star bright ang kanyang pagiging biyuda sa buhay kuning.

Matatandaang nag- trending ang cryptic post ng ex-girlfriend ni Anthony tungkol sa relasyon nila. Diretsahan naming tinanong ni Anthony kung totoo bang hiwalay na sila ng ex-girlfriend niyang si Jam.

Sa pagtatapat ni Anthony sa isang panayam, may ilang buwan na ang kanilang hiwalayan at personal ang mga dahilan kaya nasunog ang kanilang relasyon at romansahan at inamin nito na siya ang may problema at pagkukulang kaya wasak na ang kanilang pagmamahalan.

Ang dramarama ni Jennings patungkol sa kanila ni Racal: “Nililinaw ko po, magkaibigan lang po kami ni Maris at sana matigil ‘yung mga ganoong issue.”

Siyanga pala, muling magkasama at mapapasabak sa bakbakan, takbuhan at paputukan ng matataas ang kalibreng mga armas at baril sa “Incognito” kung saan ang mga kasama nila sa aksyon serye ay sina Daniel Padilla, Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Kaila Estrada at Baron Geisler.

Itatangahal na ito sa January 17, 2025 sa Netflix , January 18 sa IWantTFC at January 20, 2025 sa TV5, A2Z at Kapamilya Online.

Hindi naman kaya dito sa “Incognito” maghilom na ang sugat ni Maris Racal dahil sa hiwalayan nila ni Rico Blanco at ang pusong umaray ni Anthony Jennings ay muling maglulundag at ngumiti? Ay! MaTon realness na! Hindi naman impossible na hindi lang biruan at pagiging magkaibigan, at tunay na ngang magmamahalan sina Maris Racal at Anthony Jennings, hindi ba naman? Sa true? Siyang tunay talaga!