Lucena, Quezon – Nangako si Miss Universe benefactor at ngayon ay senate aspirant na si Luis “Chavit” Singson na ibibigay niya ang kanyang buong suporta sa mga jeepney operators at drivers na apektado nang ipinatutupad na Jeepney Modernization Program.
Si Singson, o Manong Chavit -- na mas kilala sa kanyang matibay na pamumuno sa parehong sektor ng pulitika at negosyo – ay nagbalangkas ng isang komprehensibong plano upang mapagaan ang paglipat sa higit pang environment-friendly at makabagong mga jeepney.
“Magbibigay ako ng lahat ng kapital na kailangan para sa modernisasyon para matulungan ang sektor ng transportasyon. Mag-aalok din ako ng mga libreng bank account para sa publiko,” sabi ni Manong Chavit, na itinatampok ang kanyang pangako na suportahan ang paglipat sa mas malinis na pampublikong transportasyon.
Sasabak sa Senate run bilang isang independent, iminungkahi ni Manong Chavit ang tinatawag na co-financing solution kung saan ipinangako niyang sasaluhin niya ang kalahati ng halaga ng mga electric jeepney para sa mga operators na susunod sa jeepney modernization program.
Tinukoy niya ang kanyang naging suporta para sa P1.2 million-per-unit subsidy para sa mga jeepney sa kanyang probinsiya bilang isang halimbawa ng kanyang dedikasyon sa pagpapagaan ng pinansiyal na pasanin sa mga operator.
Ang pahayag ni Singson ay kasunod nang pagtitipon ng mga transport stakeholder sa Lucena sa SM City noong Sabado kung saan dinaluhan ito nina dating Lucena Mayor Oliver Dator at Rogelio Dela Peña na nagsilbing tagapagsalita ng transport group na may humigit-kumulang 100 miyembro.
Sa pagtitipon, ipinahayag ni Dela Peña ang posisyon ng grupo at sinabing bagama’t naiintindihan nila ang pangangailangan para sa modernisasyon, nangangailangan sila ng kapital upang i-upgrade ang kanilang mga umiiral na unit alinsunod sa batas ng Modern Public Utility Vehicle (MPUV).
“Hindi namin nais na ma-phase out ang aming mga tradisyunal na jeepney, ngunit kailangan namin ng kapital upang i-upgrade ang aming kasalukuyang mga unit upang sumunod sa batas ng MPUV, tulad ng pagpapabuti ng mga makina. Hindi kami humihingi ng milyun-milyon -- P300,000 lang bawat unit para mag-modernize,” sabi ni Dela Peña.
Ibinahagi rin niya ang mga frustrations ng grupo sa mga nakaraang pagtatangka sa modernisasyon na nagbigay ng alalahanin sa maraming mga operators na hindi sigurado kung paano magpapatuloy.
“Hindi namin alam kung ano ang gagawin sa aming mga lumang unit, kaya naman nag-aalangan kaming palitan ang mga ito ng mga electric,” saad ni Dela Peña.
Siniguro naman ni Manong Chavit sa mga jeepney operators na ang kanilang mga lumang unit ay maaaring ibenta at ang proseso ng modernisasyon -- kahit na mahirap -- ay parehong kailangan at hindi maiiwasan.
Binigyang-diin niya na ang pag-shift sa mas malinis at well-maintained na mga sasakyan ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapabuti ng sistema ng transportasyon sa bansa.
Ang isa sa mga pangunahing bahagi ng plano ni Singson ay tulungan ang mga jeepney operator na ma-access ang abot-kayang financing para makabili ng moderno, electric, o hybrid na jeepney.