DYARYO TIRADA

Linis baybayin

DT

Tuwing ika-21 ng Setyembre ay International Coastal Cleanup Day. Ginugunita ito sa buong mundo sa pamamagitan ng paglilinis ng mga baybaying at katubigan. Tinatanggal ang mga basura rito, lalo na ang mga plastik na supot o bote.

Libu-libong tao ang lumalahok sa linis-baybayin bilang pagpapakita ng pagpapahalaga nila sa kapaligiran at upang pigilan ang mga basurang plastik na pumunta sa dagat at sa ilalim ng karagatan. Mapanganib ang mga basura dahil kakainin ito ng mga isda o pupulupot ito sa mga hayop dagat na maaari nilang ikamatay.

Tonetoneladang basura ang natatanggal ng mga tagalinis sa mga dalampasigan tuwing coastal cleanup. Ito ay dinadala sa mga planta na nagre-recycle ng mga ito.

Bagaman maganda ang layunin ng paglilinis ng mga dalampasigan o bakawan, tila hindi maganda na taun-taon itong ginagawa. Ibig sabihin, hindi natututo ang mga tao na huwag magtapon ng basura sa mga baybayin, bakawan, ilog at estero. Ibig sabihin ay bigo ang ganitong kampanya na turuan ang tao na tumigil na sa pagtatapon sa mga dalampasigan at patuloy ang polusyon ng mga katubigan.

Mas maigi sana na ang resulta ng coastal cleanup ay wala nang makukuhang basura sa mga dalampasigan dahil nilinis na ito. Ibig sabihin natuto na ang mga tao na huwag tapunan ng basura ang mga dalampasigan, bakawan, ilog at estero. Subalit hindi ganito ang nangyayari at patuloy ang polusyon ng mga baybay.

Natutuwa ang mga lumalahok sa coastal cleanup na makakuha ng mga basura sa mga pampang at ibang katubigan dahil nalinis nila ang lugar. Subalit hindi nakakatuwa ang makakita at makakuha ng basura rito dahil ibig sabihin ay patuloy ang pagtatapon ng basura rito.

Paulit-ulit ang linis-baybayin dahil paulit-ulit na nagtatapon ng basura rito ang mga tao. Mas maigi na dapat nang tumigil ang maling gawain na ito, ang nakaugaliang paglalapastangan sa ating kapaligiran. Kailan titigil ang taunang kampanyang ito? Kung palaging malinis na ang ating paligid.