DYARYO TIRADA
Mga walkie-talkie ng Hezbollah sumabog, 20 patay
Dumanas ng panibagong atake ang mga miyembro ng Hezbollah ng Lebanon nang magsisabog ang mga hawak nilang radio o walkie-talkie nitong Miyerkules.
Beinte sa kanila ang namatay at 450 iba pa ang nasugatan, isang araw matapos siyam ang nasawi sa kanila nang masabugan ng mga pager na may eksplosibo.
Sa isang video ng AFPTV, ipinakita ang mga taong tumatakbo para magtago nang may sumabog sa isang libing para sa mga militanteng Hezbollah sa timog Beirut, pahayag ng ministeryo sa kalusugan ng Lebanon.
Sa naunang sabay-sabay na pagsabog ng mga pager na gamit ng Hezbollah, 12 katao ang namatay, kabilang ang dalawang bata. Nasugatan naman ang hanggang 2,800 iba pang miyembro ng grupong kaaway ng Israel at kaalyado ng mga teroristang Hamas sa Gaza.
Isinisisi ang mga pagsabog sa Israel, na hindi nagkomento tungkol rito.
Ang tanging inihayag ng Israel ilang oras bago ang mga pagsabog ng mga pager nitong Martes ay pinalalawak nito ang mga layunin ng digmaan nito sa Gaza upang isama ang paglaban nito sa Hezbollah na suportado ng Iran.
“Ang sentro ng grabidad ay gumagalaw pahilaga,” sabi ng Ministro ng Depensa ng Israel na si Yoav Gallant sa isang pagbisita sa isang air base noong Miyerkules. “Kami ay nasa simula ng isang bagong yugto sa digmaan.”
Sinabi ni Amos Harel ng makakaliwang pahayagang Haaretz na ang pagsabog ng mga pager at walkie-talkie ay naglagay sa “Israel at Hezbollah sa bingit ng digmaan.”
Sinabi rin ng militar ng Israel kahapon na magdamag binomba nito ang anim na “imprastraktura ng terorista” at isang imbakan ng armas sa timog Lebanon.
Ang mga tinamaan na mga lugar sa Lebanon ay Chihine, Tayibe, Blida, Meiss El Jabal, Aitaroun at Kfarkela, pati na rin ang isang imbakan ng armas ng Hezbollah sa lugar ng Khiam sa timog Lebanon,” ayon sa pahayag ng Israel.