DYARYO TIRADA
SK chairman sugatan matapos barilin
Sugatan ang isang 23-anyos na Sangguniang Kabataan (SK) chairman sa insidente ng pamamaril sa kahabaan ng Aringay-Tubao Provincial Road sa Barangay San Simon East, Aringay, La Union kahapon.
Humingi ng tulong sa Aringay Rural Health Unit (RHU) ang biktimang si John Joaquin Macabinta, residente ng lugar, matapos magtamo ng tama ng bala ng baril.
Ayon sa mga inisyal na ulat, sakay ng motorsiklo si Macabinta nang sundan siya ng isang itim na Fortuner. Pagdating sa isang intersection, bumaba siya at kinausap siya ng driver ng sasakyan. Habang naghahanda si Macabinta sa pag-alis ay pinagbabaril siya ng suspek ng tatlong beses na tinamaan ng isang beses sa puwitan. Tumakas ang suspek patungong silangan at isinugod si Macabinta sa La Union Medical Center sa Agoo, kung saan siya ay nasa stable condition.
Kinondena ni La Union Governor Rafy Ortega-David ang pag-atake.
“Walang lugar para sa anumang uri ng karahasan dito sa La Union. Makikipag-ugnayan ang Provincial Government of La Union sa pulisya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon,” aniya.