Isang magkasintahan ang nasawi habang isa pa ang sugatan matapos mabangga ang sinasakyan nilang motorsiklo ng isang trak dahil sa pag-iwas ng mga ito sa police checkpoint.
Ayon sa mga ulat, nagkatuwaan umano ang tatlo na magmotorsiklo na pawang walang suot na helmet nitong Linggo ng madaling araw.
Pero may madadaanan silang police checkpoint kaya nag-U-turn ang tatlo at humarurot. Ngunit nakita sila ng mga pulis kaya hinabol sila.
Pagdating sa panulukan ng Dagat-dagatan Avenue, dumiretso ang motorsiklo kahit naka-red light umano ang direksyon nila.
Nagkataon naman na may dumarating na truck mula sa kabilang direksyon na naka-green light, at nasalpok ang mga biktima.
Ang babaeng nasawi, pamangkin ng barangay kagawan na si Rocky Badiana.
“Kamag-anak ko pala yung babae dahil hindi ko siya mamukhaan. Nagulat ako, pamangkin ko pala,” ayon kay Badiana.
Nakadetine sa himpilan ng pulisya ang driver ng truck habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.