Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Gintong bigas

DT · Apr 29, 2024, 9:05 AM

Kamakailan ay iniulat ang pagpapalaganap ng GI rice o bigas na may mababang glycemic index na mainam para sa mga may diabetes upang hindi lumala ang kanilang karamdaman. Ang tinaguriang GI rice ay sumasailalim sa field test bago ito malawakang ipamamahagi sa mga magsasaka upang itanim. Hindi pa ito inaasahang mabibili sa merkado hanggang di pa natatapos ang field testing na magsisiguro rin na ligtas itong kainin.

Hindi pa man natatanim ang GI rice, ipinahinto naman ng Court of Appeals ang pagpapalaganap ng Golden Rice, isa pang uri ng bigas na nagtataglay ng Bintamina A dahil sa ginawang genetic modification dito ng mga bioengineer. Kasabay ng desisyon sa golden rice ay ang pagpapatigil rin sa field testing ng BT eggplant na isa ring genetically modified na pagkain na may kakayahang hindi masira ng mga uod na kumakain rito.

Layunin naman ng Golden Rice na mabigyan ang mga mamamayan ng natural na Bitamina A sa pagkain nito upang maiwasan nila ang mga sakit na sanhi ng kakulangan ng nasabing sustansya. Ang utos ng korte ay kasunod ng reklamo ng mga environmentalists na delikado ang gintong bigas sa kalusugan ng tao, bagaman wala pang sapat na datos bilang patunay sa katwiran ng mga tutol dito.

Ang Department of Agriculture naman ay nagsabing sasagutin sa korte ang mga alinlangan tungkol sa kaligtasan ng gintong bigas at pursigidong ituloy ang pagpapalaganap ng nasabing uri ng bigas sa ngalan ng kalusugan ng mga Pilipino.

Kung napigilan ng korte ang pagtatanim ng golden rice, hindi malayong pigilan rin nito ang pagpapalaganap ng GI rice. Kung magkagayon, mahahadlangan ang layuning bigyang kalusugan ang mga mamamayan.

Sa kabilang banda, kung hindi naman pakikialaman ng korte ang ginagawang field testing sa GI rice, marapat na baliktarin nito ang pasyang pagpapatigil sa field testing ng golden rice upang umayon sa posisyon nito sa GI rice at maging makatarungan.

Isang katwiran ng DA ay dapat ipaubaya na ng korte ang pagpapasya sa kaligtasan ng genetically modified na bigas at talong sa mga eksperto rito na mas nakakaalam sa mga bagay na iyon. Nangangamba ito na ang panghihimasok ng korte sa usapin ng pagkaing GMO ay makakahadlang sa pagtatatag ng seguridad sa pagkain.

Anuman ang kahihinatnan ng kaso, isa lang ang nais ng tao na uri ng bigas at iyan ay iyong abot-kaya ng bulsa dahil ang mataas na presyo ng bigas ay hahadlang sa kanilang makakain ng husto. At syempre, kung bitin sila sa kanin, sila ay gugutumin.

Sa pagitan ng gintong bigas at bigas na ginto ang presyo, pipiliin nila ang una, basta ito ay presyong kapatid.