Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Iwas pool muna

DT · Apr 9, 2024, 9:14 AM

Ngayong summer ay talaga namang marami ang naghahanap ng paraan upang masigurong malalabanan ang init, at ang isang paraan na ginagawa ng nakararami ay ang magpunta ng beach o mga resorts para mag-swimming.

Pero para sa mga taong under the budget, ika nga, mas ninanais nilang maranasan ang pagsu-swimming kahit hindi sa mga resort kundi kahit sa mga bakuran ng kanilang mga sariling bahay.

Bakit ‘ka niyo? Kasi naman nauuso na ngayon ang mga inflatable pools kung saan hangin at tubig lang ang kailangan and voila, instant swimming pool na.

Pero ngayong mga panahon na ito, mukhang hindi yata praktikal ang pagkakaroon ng mga inflatable pools dahil bumababa na naman ang mga lebel ng tubig sa mga dam dahil sa sobrang init.

Kaya naman humiling ang Task Force El Niño sa publiko na iwasan munang gumamit ng inflatable pools at ipagpaliban din muna maintenance o paglilinis ng mga swimming pool o mga kahalintulad nito.

Makakatulong kasi ito sa pag-iwas sa krisis sa tubig dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.

Ayon kay Task Force El Nino spokesperson Assistant Secretary Joey Villarama, dalawang buwan pang makakaapekto ang matinding tagtuyot kung saan halos buong bansa na ang makararanas nito pagsapit ng katapusan ng Abril.

Una nang nanawagan ang task force sa mga nakatira sa mga village at condominium sa Metro Manila na magtipid sa paggamit ng tubig.

Sa halip na gumamit ng hose sa paglilinis ng sasakyan, daanan, at pagdidilig, mainam anilang gumamit na lamang ng tabo at timba.

Maaari ring saluhin ng timba, palanggana o drum ang tubig-ulan na magagamit sa pagdidilig at pambuhos sa banyo.

Payo naman ng ibang opisyal na maging maingat sa paggamit ng electrical appliances upang hindi humantong sa sunog, lalo’t malaking volume ng tubig ang kinakailangan sa pag-apula ng apoy.

Kaya sa mga mamamayan, kaunting tiis at kaunting tipid muna. Lilipas rin ang tag-init.