Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Lalaki sugatan sa pamamaril

Kitoy Esguerra · Mar 16, 2024, 11:23 AM

(File Photo)

Isang lalaki ang nasugatan nang pagbabarilin umano ng mga de-motorsiklong salarin sa Dapitan Street sa Pasay City.

Batay sa mga ulat, sinabing nangyari ang insidente bandang 2 a.m. nitong Biyernes at ayon sa pulisya, hindi man nakunan ng CCTV ang aktuwal na pamamaril ay nahagip ang pagtakas ng tatlong lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo.

Ayon sa isang saksi, hindi na niya naaninag ang mga mukha ng salarin pero nakasuot ng jacket ang isa sa mga ito.

Sinabi ng pulisya na nangungupahan ang biktima sa isang condominium sa lugar at matapos bumaba ng sasakyan, dito na siya pinagbabaril ng gunman.

Nagawang makatakbo ng biktima patungo sa loob ng condominium at hindi na sumunod ang mga salarin. Nadala sa ospital ang lalaki at maayos na ang kaniyang lagay.

Nakuha sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng 9mm caliber na baril, at tinamaan din ng bala ang ilang nakaparadang sasakyan.

Patuloy ang ginagawang backtracking ng Pasay City Police upang tuluyang matunton ang mga salarin sa krimen, at kung ano ang motibo nila sa pamamaril.