Daily Tribune

DYARYO TIRADA

Nambu-bully pinatay sa saksak

Kitoy Esguerra · Mar 13, 2024, 8:30 AM

(File Photo)

Isang lalaki ang naiulat na nasawi matapos umanong saksakin ng kanyang kababata na binu-bully umano nito at tinutukan pa ng baril sa Navotas City nitong nakaraan.

Kinilala ng mga otoridad ang biktima na si Alfredo Libao Jr. na tinadtad ng saksak ng suspek sa Barangay Tangos South.

Sa kuha ng CCTV, makikitang nakahiga na ang biktima at nagmamakaawa, ngunit patuloy pa rin sa pag-unday ng saksak ang kaniyang kababata.

Naidala pa si Libao sa ospital, ngunit dineklarang dead on arrival matapos magtamo ng mga saksak sa leeg at katawan.

Nadakip ang suspek na kaniyang kababata sa follow-up operation, at nakuha rin ang ginamit niyang patalim.

“Umabot po sa pananaksak kasi napuno na rin itong ating suspek dahil binu-bully daw nga siya nitong biktima. Sa kanilang almost years na rin na halos magkapitbahay naman sila, palagi raw siyang binu-bully at humantong pa sa panunutok daw ng baril sa kaniya,” sabi ni Navotas Police chief Police Colonel Mario Cortes.

Ayon naman sa suspek, napuno na siya dahil sa ginagawa sa kanya ng biktima.

“Kaya ko lang po nagawa ‘yun, na-bully na po sa mga ginagawa niya sa akin. Lagi niya ako inaasar tapos mumurahin ako. Minsan, ‘Baliw.’… Inanuhan pa ako ng baril niyan, tinutukan ako,” sabi ng suspek.

Pero itinanggi naman ito ng kinakasama ng biktima at sinabing Disyembre noong nakaraang taon nang magkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang magkababata.

“‘Yung bully-han po nila, tatlong beses na po rin sila nagpapang-abot. Lagi niya po kasing ‘Kumana ka na, kumana ka na. Lagi niya hong ginagano’n ‘yung asawa ko. Ang asawa ko, laging sinasabi ko sa kaniya, ‘Umiwas ka na lang, nasa iyo ‘yung anak mo,’” sabi ng kinakasama ng biktima.

Pangalawang beses nang mabibilanggo ang suspek matapos masangkot na rin sa insidente ng pananaksak noong 2015. Nasampahan na siya ng reklamong murder.